Leonor Rivera

"Wagas at Matapat"

Noong nag-aaral pa sa pagkadoktor si Jose isinama siya ni Paciano sa bahay ng kanilang tiyong si Antonio Rivera, nakatira sa Intramuros at may kahalina-halinang anak na babae, pinsan nila, labintatlong taong gulang na noong Abril 1880. Ano ang motibo ni Paciano sa pagpapakilala ni Jose kay Leonor? Sa kabila ng kalapitan niya sa kapatid, hindi pa rin sigurado si Paciano sa kanya. Para kay Paciano, si Rizal sa kanyang iba’t ibang aktiviti, artistikong kiling, at buhay panlipunan, ay tila taong madali pang hatak-hatakin. Paano kung pumunta siya sa Europa at makalimutan ang misyon niyang reporma para sa Pilipinas? Baka hindi pa siya bumalik. Kung kasal siya o napagkasundo bago umalis, higit niyang mararamdamang nakaangkla siya sa Pilipinas, mas responsible, at mas tutupad sa kanyang mga tungkulin. Ipinapakita sa mga litrato na si Leonor Rivera ay maganda, may malapad na noo, maalon-along buhok, matang maririkit, medyo maliit, mapanimdim na bibig at nakakaaliw na biloy. Tumutugtog siya ng piyano at may kaakit-akit na tinig pang-awit, at kahit na hindi siya intelektwal noong una silang magkita, tila tulad niya si Joseng sulong mag-isip sa ganoong gulang.

Ang Pag-ibig na Nabuo sa Pagsusulatan (1880-1882)
Mula ng kanilang unang pagkikita, nanatili pa si Jose ng dalawang taon sa Maynila bago tumulak patungong Europa. Sa dalawang taong ito, alam na madalas silang magsulatan. Nakakowd ang karamihan ng mga sulat, ang maiisip agad na paliwanag dito dahil mukhang hindi nagugustuhan si Jose ng nanay ni Leonor, kahit na noong una pa man, at sa panig naman ni Jose, iniiwasan niyang makarating kay Leonor ang patsismis-tsismis at patukso-tukso ng kanyang mga kapatid na babae kapag bumibisita siya kay Segunda. Sa yugtong ito, masasabing higit ang pagmamahal ni Leonor kaysa sa nararamdaman ni Jose para sa kanya. Nagkaroon si Jose ng espesyal na ugnayan sa maraming babae. Samatalang tunay nga siyang naakit kay Leonor, tumatayo lang siyang pinakauna sa iba. Noon lamang bago siya umalis na may isang di-malamang bagay na nagpahigpit at magpasidhi ng kanilang ugnayan. Para ba itong batong urian, ang gayuma nito tumalab pagkaalis na pagkaalis niya, sa sandaling iyon nagkapuwang na si Leonor bilang “ang babae sa kanyang buhay”. Sa kanyang paglisan, nag-iwan siya ng maikling tula ng pamamaalam, na hindi niya magawa ng personal.

PAALAM KAY LEONOR
Dumating na yaong sandaling malupit,
Tadhana ng palad na sukdol ng pait,
Heto na, sa wakas, ang araw at saglit
Ng paghihiwalay ng puso ta’t dibdib.
Paalam, Leonor ko, paalam na ako
Pusong sumisinta’y lalayo na sa iyo
Paalam, Leonor, paalam buhay ko
Oh! Luksang-pag-alis, ay! Anong saklap, oh!

Habang si Jose ay nasa Europa (1882-1887)
Sa mga buwang sumunod, masasabing napunta sa kasunduan ang kanilang pagsusulatan, simula noon nagsumpaang hindi maghihiwalay batay sa mga isinulat na pangako. Sa litratong ipinadala niya noong magdidisais si Leonor, sinulat niya,

‘Kay Jose mula sa kanyang matapat na pinsan’

Sa baba noon, nakakubli sa kowd, inilagay niya ang tunay na paglalaan:

‘Sa di-makakalimutan at pinakamamahal na mangingibig, inihahandog itong litratong ito mula sa kanyang tapat na Leonor’.

Tuluy-tuloy ang pagsusulatan nila habang si Jose ay nasa Europa. Tila malalambing, mapagmahal at masayahin naman ang mga liham ni Leonor; pero mula sa kaibigan ni Joseng si Chenggoy na isa sa kokonting nakakaalam kung ano ang damdamin niya kay Leonor, nalaman niya ang katotohanang naapektuhan ng kanyang paglisan ang kalusugan ni Leonor.

Nahuhulog na siya nang husto, ang iyong kasintahan, epekto walang duda ng
kung anuman bumabagabag sa kanya. Siyang nananalig na ngayon lang siya
nakakaranas ng ganitong pag-ibig, nagsasakripisyo para sa lalaki ng
kanyang puso, at namamalas na sa halip na dumating ang masayang wakas,
ito’y matuling umaalpas-anong puso ang hindi matitinag ng gayung kalagayan?
- Chenggoy (Jose M. Cecilio)

Malakas na panghila pabalik sa Pilipinas ang gayung pagkabatid sa Leonor na may karamdaman at lipos ng kalungkutan. May pakiramdam siyang hindi siya naging makatarungan kay Leonor. Alam niyang kailangang bumalik agad at iwasto ang mga bagay sa pamamagitan ng pagpapakasal, kung tatanggapin pa siya nito.

Pagbalik sa Pilipinas (1887)
Nang bumalik siya sa Maynila, wala dito si Leonor. Ilang buwan na itong lumipat, kasama ang kanyang mga magulang, sa kanilang probinsyang Pangasinan. Bagong dating palang, binanggit niya sa kanyang mga magulang ang nasang magpunta sa Dagupan, subalit gayun na lang ang pagbabawal ng kanyang ama. Dahil kasi sa kanyang batik bilang filibustero, hindi papayagan ni Francisco Mercado ang kanyang anak na isubo ang pamilyang Rivera sa panganib na kinasasadlakan niya. Sa panig ni Leonor, hindi rin ito pinayagan ng kanyang ama na lumuwas ng Maynila. Nilisan niya ang bansa upang bumalik sa Europa nang di man lang nasisilayan ang isa sa mga dahilan ng kanyang pagbalik.

Pakikipagkalas at Kamatayan (1888-1893)
Simula nang umalis siya sa Pilipinas, wala na siyang nabalitaan tungko kay Leonor. Ilang beses siyang sumulat pero walang sagot na dumating. Isang taon na, wala man lang isang salita. Sa katapusan ng taong 1890, binasag ni Leonor ang kanyang pananahimik---pero para lamang makipagkalas at ibalita ang napipintong kasal sa isang Ingles. Ang Ingles, si Henry Kipping, ay isang enjinir na nagtatrabaho sa daangbakal na inilatag mula Maynila pahilaga sa San Fernando La Union, tumatagos sa bayan ni Leonor sa Dagupan. Isang kaibigan na kasama ni Rizal nang buksan at basahin nito ang liham ang nagsabing humagulgol siyang parang bata. Napakatindi ng damdaming pinukaw sa kanya ng anumang pagkaalala o pagkabanggit kay Leonor kaya apat na buwan bago niya makuha man lang masabi ang nangyari kay Bluemantritt—sa isang di-karaniwang himig na magaspang, nagpapakitang matagal pa sa pagkahilom ang sugat:

Ang aking kasintahan, na naging tapat sa akin nang mahigit sa 12 taon ay pakakasal sa isang Ingles…Gayunman, mas mabuti na itong pagkasulong na ito kaysa sa dati naming kalagayan! Nang matanggap ko ang balita, akala ko’y mababaliw ako, datapwat nakalipas na iyon at kailangan kong ngumiti, sapagkat hindi ako dapat umiyak. Ach! Huwag kang magtaka na pinili ng isang Pilipina ang ngalang Kinping (ang sa enjinir) kaysa ngalang Rizal. Huwag, huwag kang magtaka! Malayang tao ang isang Ingles, ako hindi. Sukat na! Ito na ang huling salitang maririnig mo rito!

Ang nangyari---bagamat napagtagni-tagni lang ito matapos ang mahabang panahon---ay sa paglitaw sa eksena ni Kipping, nakita ng ina ni Leonor na mas bagay siya sa kanyang anak kaysa sa filibusterong si Rizal, kaya sinuhulan ang kawani sa tanggapan ng liham na harangin lahat ng mga sulat ng magkasintahan, kapwa sila gayon nagkaroon ng impresyon na nagkalimutan na ang isa’t isa. Matagal nangumbinsi nang husto ang ina ni Leonor na magpakasal siya kay Kipping, hanggang sa bumigay na rin si Leonor, hindi alam kung ano ang iisipin tungkol kay Rizal at nagdurusa na sa kakulitan ng ina. Katatapos lang ng sulat ni Leonor na nakikipagkalas ay natuklasan nito ang ginawa ng ina. Sa ganitong sitwasyon---na batid ni Leonor na mahal pa siya ni Jose at tiyak na maniniwalang binigo niya---idinaos ang kasal noong Hunyo 1891, sakbibi ng kalungkutan, matapang na ikinubli sa kanyang pinakasalan bunga ng katapatan sa kanyang ina at sa kanyang salita.

Nang pumayag magpakasal si Leonor may tatlo siyang kondisyon: (1) titindig sa tabi niya sa simbahan ang kanyang ina; (2) hindi na siya kailanman pakakantahin muli; (3) habang siya ay nabubuhay dapat nakakandado ang piyano. Pagkatapos nito sinunog niya ang bagay na pinakahahalagahan niya nang husto: ang mga liham ni Jose.

Nabuhay pa siya ng dalawang taon. Masunuring asawa siya kay Kipping, isinilang ang anak nito; at hindi man hinayaang madama nito ang kapanglawang kakambal ng kanyang pagsang-ayon. Datapwat lahat ng mga nakakakilala sa kanya ay nagsabing kung may babae mang tunay na namatay dahil sa sawing pag-ibig, yaon ay walang iba kundi si Leonor Rivera.

Noong Agosto 1893, dinalaw si Jose ng kanyang ina at mga kapatid sa Dapitan. Isiniwalat ni Narcisa, sa pagkakataong akma na sa kanyang tingin, ang huling kabanata ng aklat na ibinaon na sa limot. Patay na si Leonor.

Pagkasabi niya nito, pansin ni Narcisa, namutala ang kanyang kapatid at pansumandaling di makakilos, malalim na nag-iisip. Sa bahay sa ilalim ng mga puno, nanatili lang siya sa knayang silid sa kabuuan ng araw, dinadalirot ang isang hibla ng buhok ni Leonor na may taling laso, at halos walang kibo sa maraming araw na sumunod.





Magbalik sa Rizal Romantiko